SNT, Walang P? Pagmumuni-muni sa Gampanin ng SNT4P sa Larang ng Agham Konserbasyon at Ekoloji
- EB Perez-Bellen
- Aug 30, 2020
- 5 min read
Noong Lunes ay nagkaroon ako ng pagkakataong ipresent ang Research panghayskul kong pumapaksa sa populasyong urban ng mga ibon sa Pisay at Parks and Wildlife sa isang forum-dijital. Lahat ng tampok na saliksik, kabílang na ang akin, ay pawang quantitative at gumagámit ng mga konsepto ng index at statistiks nang wala o kaunti lamang na pasubali sa totoong lipunan. Nang dumaan pa ang linggo ay dinaluhan ko naman ang SNT4P (Science and Technology for the People) Educational Discussion ng Agham Youth kung saan tinalakay ang kasaysayan ng agham at teknolohiya at ang mga kapangyarihang may hawak at nagpapagalaw nito, at kung sino ang pinaglilingkuran nito. Pinag-usapan dito ang ideyang "Let science serve the people!" (na bukambibig na rin sa hayskul ko) at sa takbo ng linggong iyon, dito ako napaisip: ano nga ba ang papel ng ekoloji sa lipunan? Paano magiging SNT4P kung walang P[eople] at puro punò at ibon lang palá? Ibig sabihin, ano ang kabuluhan ng agham konserbasyon kung wala itong materyal na laan sa tao at lipunan? O sadya nga bang walang kinalaman ang usapin ng daybersiti at konserbasyon sa usapin ng karapatan at kahirapan at ang pag-aaral ba nito ay hungkag (at sa popular na bernakular, privileged)?
SNT4P sa ibang agham at ang kaso ng ekoloji
Madali lang ilapat ang ibang agham sa SNT4P. Nandiyan ang engineering bílang instrumento ng pag-unlad sa industriyalisasyong urban at paglulunsad ng mga pambansang industriya. Nandiyan ito, kasáma ng agrikultura, sa pagbuo ng mga makinaryang pansáka at pagsulong ng development sa nayon. Maging ang mga larang ng agham na madalas makikità sa loob ng laboratoryo ay may malinaw pa ring ambag sa lipunan. Mahalaga ang kemistri at biotechnology sa karapatang pangkalusugan sa pamamagitan ng mga sanga nito sa medisina at pharmacy. Biotechnology rin ang agham na nagdedevelop ng mga bagong panananim na magbibigay ginhawa sa mga magsasaká at magtataguyod ng food security sa bansa. Saan ngayon papások ang ekoloji? Maraming sagot dito. Maaaring pabulaanan mismo ang premis na kailangang may panlipunang ambag dapat ang agham para ito'y magkaroon ng katuturan. Kung sabagay, napaka-anthropocentric nga naman ng pagtingin na ito. Búhay rin naman ang isinasaalang-alang sa usapin ng daybersiti at konserbasyon 'di ba? Anong kaibahan nito sa búhay ng tao? Masasabi ring marahil ang ekoloji at konserbasyon ay mga agham na hindi dapat inaasahang lumutas ng problema ng lipunan kundi bahagi ng pananagutan at tungkulin ng tao sa mundong ginagalawan nito. Kung sabagay (ulit), tao rin naman ang may gawa ng mga suliraning pangkalikasang dinaranas natin ngayon. Marapat lang siguro na tao rin ang mananaliksik at gagawa ng aksyon upang maayos ito.
Maaari táyong tumigil dito at tanggapin na lang ang mga paliwanag na 'to, ngunit hindi ito dapat sapat sa atin. Ano pa ba't naging siyentista ka ng bayan kung ang paliwanag mo lang naman palá sa iyong pagkadalubhasa ay "kasalanan din naman natin... mea culpa."?
Ang mga P ng ekoloji
Ang pinakalitaw na sagot sa ating tanong ay ang gampanin ng ating mga katutubò bílang mga katiwala ng kalikasan. Sa Pilipinas, maging sa buong mundo, ang mga katutubòng grupo ang unang hanay ng depensa laban sa mga elementong nang-aabuso ng kalikasan. Buháy sa kanila ang diwa ng kasagraduhan ng kalikasan bílang isang bagay na hindi puwedeng ariin ng sino man. Gayumpaman, marami pa ring balakid ang kinakaharap nila ngayon: mula eksploytasyon ng kanilang mga lupaing ninuno hanggang sa mismong panunupil ng kanilang karapatan. Kasalukuyang sinisira ang kanilang lupain para sa murang hilaw na materyales na gagamitin sa industriya ng iba, malinaw na repleksyon ng Pilipinas bílang isang neokolonya. Pilipinas din ang nananatiling pinakamapanganib na lugar sa Asya para sa mga manananggol ng kalikasan; kabilang dito ang ating mga katutubò. Bukod pa rito, msimong mga siyentista sa ekoloji at konserbasyon ang madalas nagbabalangkas ng mga proyektong konserbasyon na top-down at ginagawa sa kanila imbes na kasama sila. Sila ang unang P na kailangang isaalang-alang sa usapin ng ekoloji.
Paano naman ang konserbasyong urban, ang paksa ng saliksik ko? Sa bandang hulí ng forum-dijital (na aking binanggit sa introduksyon) ay nagkaroon ng open forum kung saan nakapagtanong ang audience sa amin. Isa sa mga tanong na iyon ay "How can we help preserve our avian species in the decreasing urban green spaces?". Siyempre, bílang siyentistang lulong sa papel at journal articles, nagkukuda ako tungkol sa mga konsepto sa urban conservation kagaya ng green corridors at communal urban green spaces at kung papaanong nababawasan nito ang habitat fragmentation, genetic drift at kung ano-ano pang chika. Kaunting paliwanag: ang green corridors ay mga makikipot na luntiang koridor na nagdudugtong ng mga urban green spaces imbes na palakihin ang mga ito; ang mga communal green spaces naman ay konsepto kung saan imomobilisa ang mga pamayanan sa paligid ng isang lupaing hindi ginagámit upang payamanin ito bílang espasyong komyunal. Sa pagsagot kong ito ay may kasunod na tanong na hindi napilì ng moderator ngunit tumatak sa aking isip: "May oras pa ba ang mga mamamayan natin sa pinagsasasabi ko?". Totoo. Napaka-ideyal ng mga proyektong ito at ambisyoso ang ninanais. Kalakhan nga naman ng mga pamayanang tinutukoy ko sa aking teyoretikal na espasyong komyunal ay mga pamayanang kabílang sa maralitang urban. Ito ang mga mamamayag ang unang iniisip at binibigyang atensyon, lakas at oras ay ang pagbigay ng mga pangunahing pangangailangan ng kanilang mga pamilya. Ano nga naman ba ang pakialam nila sa mga ibon at halaman sa paligid kung hindi man lamang sila makakain nang tatlong beses sa isang araw? Sila ang ikalawang P na kailangang isaalang-alang sa usapin ng ekoloji.
Science and ecology with the people
Sa puntong ito ay hindi pa rin nasasagot ang silbi ng ekoloji sa lipunan at kung paanong ito ay for the people; marahil hindi ito ang tamang tanong. Marahil kailangang tanungin natin kung sino ang gumagalaw sa kalikasang ating pílit na pinangangalagaan. Dahil, kaiba sa ibang mga larang ng agham na ginagawa sa laboratoryo o sa kompyuter, ang ekoloji ay ginagawa mismo sa espasyong kagyat na nararanasan ng tao at ng mamamayan at mahalagang tandaan na sila mismo ay may potensyal na makibahagi sa pangangalagang ito. Na hindi nahihiwalay ang kultural at pangkarapatang pakikibaka ng ating mga katutubò sa teknikal at pang-agham na usapin ng konserbasyon at daybersiti. Na hindi nababawasan ang halaga ng konsepto ng communal green space dahil lang walang panahong ang maralitang lungsod para rito, bagkus isa lang ulit itong rason kung bakit talagang kailangan natin silang suportahan sa kanilang paggiit ng mga karapatan sa kalusugan, edukasyon at pabahay. Na ang kanilang paglaya ay hindi lang para sa kanila kundi para rin sa kalikasang sáma-sáma nating lilinangin nang may diwang bayanihan. Dito natin ipaninindigan bílang mga ekolohista kung paanong ang larang natin ay hindi isinasagawa para sa bayan, kundi kasáma ng bayan.
"When our populace are no longer preoccupied by the challenges of mere survival, then we have a whole country to take care of its environment."

Larawan ng isang Philippine Serpent Eagle sa Diliman, Quezon City | Kinuha ko | 2019
Comments