top of page

Mga Tanong ng Isang Kaibígan

  • Writer: EB Perez-Bellen
    EB Perez-Bellen
  • Dec 30, 2022
  • 1 min read

Paano ko ipararating sa iyo na mahal kitá

Nang lubos at buo?

Gayong hindi naman kitá mahal

Sa konsepto ng iba?


Paano ko sisiguruhing hindi malabnaw

Ang bawat kumpisal?

Hindi tukso o pahapyaw

Hindi biro o kantyaw.


Paano ko malalamang batid mo

Na handa akong gawin kahit na ano?

Gayong hindi kasal ang hain ko

Hindi bahay hindi anak na perhuwisyo

Kundi panahon

At yakap

At regalo

At papuri

At galak

At serbisyo.


Paano ko ilalarawn ang lawak at lalim

Ng paghanga sa iyo?

Na sinlawak o higit pa

ng sino mang susuyo sa iyo?


Nakapagtataka nga’t

Kung sino pang may katagang ibig

Sa kaniya pa raw lalong bababaw

at lalamyâ

Ang danas ng pag-ibig?


Bakit sa Ingles, isa akong eufemismo

Tuwing magpapakipot ng pagmamahal

Ang isang tao? --

-- Ikinalulungkot ang ambiente't katayuan ko?

Bakit mas mababàng antas ang pag-ibig ko?

O bakit higit pa raw sa akin, kapag mas seryoso raw ang pag-ibig sa iyo?


Dahil walang libog? Walang romansa?

Kahit na, pihado,

Ligaya kong tunay

Ang iyong tagumpay.

Na lumbay kong lubos

Ang iyong hikahos.


Hindi ko alam.


Ngunit alam kong mahal kitá.

Sa alab ng puso at súnog ng ugat, mahal kitá.

Higit pa sa kaibigan?

Hindi.

Mahal kitá,

higit pa sa matrimonya.

Comments


Magpadala ng mensahe

Salamat!

© 2023 by Train of Thoughts. Proudly created with Wix.com

bottom of page