top of page

Kaunting Muni-muni ng Pagkayamót sa mga Babasahín sa STS 1

  • Writer: EB Perez-Bellen
    EB Perez-Bellen
  • Mar 3, 2023
  • 6 min read

Noong nakaraang linggo, nagsimula ang mga talakay para sa oryentasyon ng iba't iba kong klase. Isa rito ang reuired na GE sa mga BS courses na Science, Technology, and Society 1 o STS 1. Layon ng kursong ito, ayon sa binigay na silabus, na magkaroon ng malalim na pag-unawa ang mag-aaral sa mga interaksyon at daynamiks ng agham at teknolohiya sa lipunan, tungo sa pambansang kaunlaran.


Bílang bungad sa Modyul 1, binigay sa amin ang dalawang babasahín upang maging saligan ng buong kurso. 'Yung isa ay medyo teknikal na pagpapaliwanag kung ano ang Agham, Teknolohiya, at STS bílang isang independent na larang (R. McGinn). Maliban sa pagiging masyadong USian, sapat naman itong intro para sa kurso. Ang isa pang reading, na nabása ko na nang tatlong beses--- una, habang naguguluhan sa pinagsasabi ng may-akda, ikalawa habang nabi-buwisit dahil nga't naintindihan ko na, at ikatlo ngayon hábang sinusulat ito--- ay ang transkrip ng talumpati ni National Scientist Dr. Caesar Saloma na "My Expectations of a Filipino Scientist".


Hanay sa ibabâ ang sunod-sunod na kalokohang nabása sa akda, ngunit kung gusto munang mabása ay maaaring maakses sa https://ovpaa.up.edu.ph/my-expectations-of-the-filipino.../


Nagsimula ang talumpati ni Dr. Saloma sa pagpuri ng incentive system sa ilalim ng dating Pangulong Nemenzo at Chancellor Roman. Babalikan natin kung ano talaga ang ibig niyang sabihin dito. Ilang talata pa pagkatápos nito, bigla niyang binanggit at pinasalamatan ang "vision" nina "[genius] Steve Jobs and Steven Wozniak of Apple Corporation". Sa una ay wala itong isyo at simpleng pagkilála lámang sa ambag nila sa computational power natin ngayon. Ngunit pahiwatig na palá ito ng abot-langit na pagtuwad ng talumpati sa galíng at gilalas ng kanlurang agham at iskolarsyip!


Sunod agad na tinalakay ni Dr. Saloma ang inaasahan niyang pagpapanday ng mga siyentista ng bansa tungo sa tinatawag niyang "scientific culture and tradition". Aniya, "scientific tradition is forged by generations of scientists ceaselessly pushing the limits of scientific knowledge," at kung gayon ay sanggol pa lámang o nása "infancy stage" pa lang ang scientific tradition ng bansa. Kinumpara pa niya na apat na raang taón noon, daw, ay nagsasagawa na ng eksperimento si Galilee sa free-falling bodies, at, na 1666 pa lang ay natuklasan na ni Newton na makikitá ang mga kulay ng bahaghari kapag tumulóy ang sinag ng araw sa isang baso ng tubig. Sa madaling salita, ay kulelat ang bansa! Burado sa naratibong ito ang matatag na katawang dunong ng mga ninuno natin bago dumating ang mga sumakop na dayuhan. Hindi ba't siyentipiko rin ang teknolohiyang kailangang magagap ng katutubòng Ifugao dalawang libong taón ang nakalipas (bago pa ipanganak si Galilei) upang magawa ang Hagdan-Hagdang Palayan ng Banaue? Hindi ba't siyentipiko rin ang sinaunang astronomiya ng mga Pilipino na nakatalogo sa "Balatik" ni Ambrosio? Ang technics at kabihasnan ng mga sinaunang panday, hindi ba't makaagham ito? Por que ba't hindi naisulat at naimbak sa mga arkibos ng Cambridge at Oxford ang mga saliksik na ito, di gáya ng mga papel nina Descartes at Newton, ay hindi na ito agham ng Pilipino?


Nauunawaan kong gipit sa oras ang talumpati at maaaring hindi ito ang nais sabihin ni Dr. Saloma, ngunit kung titingnan bílang isang saligang babasahín sa kursong ipinagpapalagay na kritikal ang pag-aagpang sa agham at lipunan, ay malaking mintis ito.

Ilang talata pa, ay nagpasaring naman siya nang bahagya sa priyoridad ng mga biyologo sa bansa. Sabi niya,


"The present lack of intellectual capital will prevent the Philippines from exploiting fully the information that are contained in the various genome maps which are now becoming more accurate and comprehensive literally by the day. These genome databases are available free of charge. Our country simply does not have the pool of tried and tested researchers in the fields of computational biology and biological physics. Our local biologists and physicists are cruising in the wrong areas."


Kahambugang tunay ang paghuhusga sa kung ano ang tama't maling priyoridad ng mga siyentistang ang mga larang ay hindi mo naman gamay ang epistemolohiya, maski pa banggitin mo ang "computational biology" at "biological physics". Muli, prerogative ni Dr. Saloma ang mga punang ito at nagtitiwala ako sa kaniyang galíng sa mundo ng physics. Ngunit, muli, bílang saligang babasahín para sa kurso? Ekis!


Ang pinakasalarin ng pagkabuwisit ko ay ang laman ng mga sumusunod na talata. Sinimulan niya ito sa panghihinayang: "The sad fact is that most of the full professors and associate professors in our science and engineering departments are not publishing consistently in refereed U.S. or European journals," sabi niya.


Ano ngayon ang ideyal na siyentista (PhD, nga palá dapat, sabi niya) para sa kaniya?

"... he [sic] publishes regularly in an ISI-abstracted journal that is widely-read by his [sic] peers. I expect [scientists] to publish at least three ISI papers a year on average regardless of administrative duties and responsibilities."

Paano raw mangyayari ito?

"One is to grant a Ph.D. degree to a student only after his or her publication of three (or more if you like) papers in ISI-­abstracted journals. The earlier the topic is beaten to pulp the more chances that it will not be able to rise up again."

O puwede rin daw na,

"... send immediately the more talented Ph.D. graduates whom the University is more likely to hire to postdoctoral studies for not more than two years, in established research centers in the U.S., Japan or Western Europe [Western talaga hahaha]."

Sabi pa niya


"... our local scientists have not yet developed the confidence and foresight to venture in research areas ahead of their American, European and Japanese counterparts."


At kung ano-ano pang paulit-ulit na pakikipagtugaygayan sa kanluran, pagmamakaawa sa affirmation ng Amerika at Europa at formalistang pagsunod sa kolonyal na balangkas ng imprastrukturang pang-agham ng mundo.


Muli, mali ba ang mga sinasabi ni Dr. Saloma? Hindi naman. Kung magiging reál nga naman ay may saysay ang mga puntong ito. Ngunit bílang babasahín sa pagbuo ng pundasyon ng isang BS student ng kaniyang pananaw sa kung ano dapat ang isang siyentista, ano ang "expectations of a Filipino Scientist"? Hindi ba't masyadong malamya ito? Hungkag nga, para sa isang GE course? Ang Science Diliman at Philippine Journal of Systematic Biology, halimbawa, ay hindi ISI o Scopus-indexed, ngunit, sa sariling karanasan ay naririto ang ilan sa mga pinakamakabuluhang saliksik tungkol sa kasalukuyang biyodibersidad ng bansa. Hayaan na lang ba nating ituring ito ng mga mag-aaral na nakatápos ng STS 1 bílang inferior na saliksik o mababà dahil hindi ito sakop ng monopolyo ng awtoridad ng ISI?


Magandang panabla rito ang sinabi ni Dean Ganni Tapang (isa ring físiko) sa kaniyang akdang "Science and Technology Education for Whom?" (sa loob ng Mula Tore Patungong Palengke: Neoliberal Education in the Philippines) hinggil sa parehong incentive na binanggit ni Dr. Saloma sa pinakaumpisa ng talumpati. Ang sabi ni Tapang,


"In the University of the Philippines, during the term of UP President Francisco Nemenzo, the International Publications Award (IPA) was instituted to augment diminishing faculty salaries and to spur publication in ISI-indexed journals. Without a clear path to technology development through a vibrant domestic industry that can transform basic and applied researches, these measures would remain mere indicators of research output."


Sapul! Ano nga naman ngayon kung mayro'n kang sampung papel na nakaindeks sa ISI? Kung wala namang plano ang bansa para sa mga pambansang industriya upang magámit ito? Kung nailalakô lang din ang iyong saliksik sa mga transnasyonal na korporasyon? Lahat ng ito, ayon kay Tapang, ay "mere indicators of research output." Tagapagpahiwatig lámang ng paglaláng ng saliksik.


Para sa isang fundamentál na babasahín, hindi dapat hanggang dito lang ang ekspektasyong inihahapag para sa isang siyentistang Filipino. Katunayan, hindi nga dapat ginagawang gol ang ganitong imahe ng siyentista.


Si Leonard Co, isa sa pinaka-passionate at pinakamasaganang siyentista ng botanika at halamanang Pilipinas ng ika-21 dantaon, ay walang masterádo o doktorádo! Kakatuwa pa ngang, dahil sa kaniyang marubdob na pagmamahal sa larangan, nakuha niya ang kaniyang gawad batsilyer noong 2008, 36 taón matápos niyang pumások sa unibersidad noong 1972, dahil mas pinilí niyang magsumikap at sumigasig!


Mayroon akong mga kakilálang siyentistang lumalahok sa pakikibaka at pag-asam sa katarungang panlipunan. Mga miyembro ng NGO at nagla-lobby para sa kalikasan. Mga lumulubog sa masa, o nagpapakapagod sa extension upang maging konkreto ang kontribusyon sa bayan. Kaunti lang sa kanila ang may PhD. Hindi rin konsistent sa pagpapalimbag sa ISI journals. Ngunit sigurado akong higit silang huwarang siyentista kaysa kung anong hiraya ng isang National Scientist.


Sa hulí, mas mainam na suplementong babasahín ang nabanggit kong akda ni Dean Ganni (libreng mada-download sa Aklatang Bayan, p. 257). Hindi sana tanggapin ng mga kamag-aral ang reading na ito nang diretsahan o sa face value, lalo na't wala rin akong nakikitaang pagtaliwas nila sa daloy ng talakay sa klase (so far, ano?). Baká magkaroon ngayong linggo. Tingnan natin!


Pebrero 2023 Bayan ng Los Baños


Ang sanaysay na ito ay naunang napaskil sa personál na Facebook, ika-28 ng Pebrero 2023.

Commentaires


Magpadala ng mensahe

Salamat!

© 2023 by Train of Thoughts. Proudly created with Wix.com

bottom of page