top of page

Leonor Will Never Die: Sapin-saping Kabalintunaan

  • Writer: EB Perez-Bellen
    EB Perez-Bellen
  • Dec 30, 2022
  • 3 min read

Kung hihiraya ka ng isang iskriprayter ng mga kanoonang pelikula ni Da King FPJ, mga pelikulang bukal ng machismo at dahas, anong katauhan ang mawawangis mo? Panigurado, hindi isang matandang ále, na imbes na magbayad ng kuryente ay, habang may yosi sa bibig, tumatakatak sa makinilya buong araw upang maisabúhay muli ang ginintuang nakaraan ng karera niyang matagal nang nagtakipsilim. Ngunit ito nga mismo ang susubaybayan ninyo sa isa’t kalahating oras mahigit ng "Leonor Will Never Die" ni Martika Ramirez Escobar. Katunayan, isa lang ang kakaibang karakter ni Leonor sa sapin-saping kabalintunaang matagumpay na nahabì ng pelikulang ito. Paanong matagumpay? Dahil madalas, ang isang pelikulang pumopostura bílang parodiya o eksperimental ay para lang kumbinsihin ang manonood na kunsintihin ang paglalapastangan nito sa kinagawiang banghay ng isang matinong pelikula.


Iba ito.


Ang bawat pitik ng sakop mula 21:9 tungong 4:3, pabalik; ang bawat kamot-ulong dayalog ng mga tauhan (may doktor na maharot, anak na see-through dahil multo na ito, at lalaking nabuntis sa background); ang bawat biglang-likong takbo ng istorya hanggang sa (ispoyler) isang Music Video sa dulo (oo, meron pramis) ay nabuo nang mahusay upang ilahad ang isang kuwento ng pagdadalamhati ng isang ina’t artista sa kaniyang anak at sining.


Lahat ng ito ay nakapook sa mga eksenang halos hyperbole ang pagka-Filipino: nariyan ang ward at mga pasilyo ng isang pampublikong ospital (alam mong Pinoy, dahil sa mapusyaw na mga dingding, mga ceiling fan at dose-dosenang pasyente), ang iconic na berandang may lamesang may mantel (kung saan nagsusulat si Leonor) na makikità sa tapat ng bawat bahay ng lolo’t lola mo, ang bangketa ng mga piniratang pelikula na madalas hintuan ni Leonor (kumpleto mula sa sampol na pelikulang nakasalang sa isang lumang TV hanggang sa mga sabit-sabit na 3-in-1 koleksyon), sari-sari store na palaging may manok na tandang, tong-itan, construction site at marami pang pook na pinurong katas at esensya ng public sphere ng Pilipinas.


Tampok din, sa bandang kalahati ng pelikula, ang halos-parodiyang paggaya sa mga lokal na action-comedy noon: mula sa mga gasgas na gasgas nang sound effects ng mga daplis sa suntukan, kakambal ang magimik at malateatrong action sequences (may isang goon na pinatay sa pamamagitan ng semento), sa mga arketipong tauhan gaya ng matikas at bruskong tagapagligtas (madalas si FPJ ito), ang damsel in distress, at ang kingpin na Mayor (complete with matching Barong-Tagalog) na bumabakas sa burukratang pang-aabuso at warlordism sa bansa (totoo mula noong sikat pa ang "Isang Bala Ka Lang" hanggang ngayon), dugo, patayan, at maraming maraming maraming putok ng baril.


Isa pa, intelihente ang komedya ng pelikula. Ang pagkakuwela ay dumaraan sa ironya ng mga sitwasyon at sa katutuwang kapangyarihan ni Leonor sa kabilang mundo (na maiintindihan ninyo kung panonoorin ninyo) pati na ang mahusay na pagtuloy at pagkapit sa absurdismo sa pinakarurok ng pelikula kung saan hindi mo alam kung alam mo pa ang nangyayari.


Mahirap bigyang wakas ang rebyung ito dahil, kung magiging pilosopo ay wala naman talagang wakas ang pelikula. Sa ganang akin (at hindi ito pagkunsinti sa kahinaan ng pelikula; ibig kong sabihin, hindi ito gáya ng ibang pelikulang magpapabitin o magpapagulo ng ending upang masabihang misteriyoso o matalino o, sa Ingles... quirky, na sa katunayan ay pretensyosong kahungkagan lang naman), ang kawalan ng ending mismong ito ay babalik sa pamagat. Na bagama’t patay na (o hindi pa?) si Leonor, ang sakripisyong laan niya sa pagraraket at pagsusulat upang palakihin ang dalawang anak bílang isang inang kumakayod, at ang mga obrang naiwan niya sa takilya at sa arkibos, ay kailanma’y hindi mamamatay.



Nobyembre 2022

Bayan ng Bay

Comments


Magpadala ng mensahe

Salamat!

© 2023 by Train of Thoughts. Proudly created with Wix.com

bottom of page