Sa Paglubog ng Araw, at Pagsilip ng Buwan (Seryeng Tula)
- EB Perez-Bellen
- Apr 26, 2021
- 2 min read
Updated: Apr 29, 2021
Gantsilyo
Pinakakalma, tinatahan ako
ng takatak ng kahoy
habang inaabay nito ang sinulid
na gumagapang sa aking mga daliri
ginugunita ang pangungulubot
ginagalugad ang mga ugat
ng aking kamay na dáting malambot.
Ngunit sasabad ang kahoy
bílang paalala sa sinulid
na naliligaw na sa aking hintuturo
iibabaw
at hilahin
iibabaw
at hilahin
isang pandanggong paulit-ulit
sa paglála ng hiblang puti
hanggang matápos sa isang buhol.
Marikit. Maselan.
Buo.
Tumba-tumba
Ipaalala mo nga ulit sa akin
bakit ako naririto?
Pinakakalma ako ng langitngit ng kahoy.
Ang tanging nakikità ko ay ang linya
kung saan nagtatagpo ang langit at lupa
lalapit
at lalayo
lalapit
at lalayo
habang pinakakalma ako
ng langitngit ng kahoy.
Tinutulak pasulong
ng mga alaalang hindi na mayari,
at bubuwal paatras
sa pag-iisa.
Sa paglubog ng araw, at pagsilip ng buwan,
darating ang lumbay
kahit hindi maalala ang dahilan
lalamunin ng lungkot
at maaantala ng kirot
ng tuhod, namamanhid, tinutusok-tusok.
Ngunit sandali,
bakit ako naririto?
Hindi bale na,
Pinakakalma naman ako
ng langitngit ng kahoy.
Salabat
Binaybay ko ang kusina tungo sa aparador. Inasam kong matagpuan ang pamilyar at memoryado. Walang sino man ang nása bahay at ang katahimikan ay ako. Inabót ko ang garapon. Inabot ko ang takure. Inabot ko ang tasa. Madadaling mga gawain kayâ’t nalugod ako sa aking sarili.
Umiiyak ang takure. Kung naririnig lamang nito ang sarili ay mayayamot din ito. Kinarga ko ito, idinuyan nang kaunti, at tumahimik din sa wakas, mahimbing at panatag sa aking mga kamay.
Mahigpit ang garapon--- hindi ito nagpapabukás. Marami pa man din ang laman nito. Ilang taon na rin ang lumipas noong binigay ito sa akin at madalang ko lang mabuksan. Nagtatagumpay lamang ako kapag pinipilit ko ito. Kailangan ko pang painitan ang takip. Luluwag ito ngunit hihigpit din muli. Masisira nang bahagya subalit makakamtan ko ang nilalaman, kahit sandali.
Ang tasa ay sa akin. Tila bang hulmado ito para sa aking mga palad at daliri. Lulan nito ang pinaghalong tubig at laman ng garapon na parang lawang payapa sa mahinahong paalam ng araw. Ang ginintuang liwanag ng likido ay nakayakap sa mga dingding ng tasa. Yinayapos ako ng balabal ng init na nagbabagà mula ri
to.
Ngunit bakit ako nandito? At bakit may mga bubog sa sahig?
Boses
May mga sigaw akong narinig
sa pagitan ng dalawang estranghero
tagos sa mga dingding na nakapalibot sa akin
masikip na táyo
abála na siya
maragsa ang poot na umaapaw sa boses
ngunit pamilyar ito
bagaman hindi sa ganitong paraan.
Matamis at malambing
ang boses na nauulinigan ko sa aking alaala.
sa kaniya na ang kalahati!
sa lahat ng reseta!
Hindi káyang salansangin ng sementong pumapagitan
ang sakit na nadarama dahil dito
bagama’t ang dahilan ay lipas na sa palyadong alaala
hindi na niya káyang alagaan
ang mga anak ko--- anak natin!
Ramdam ko ang bagabag ng estranghero
minsan din akong nagmahal ng anak
nabaón sa pagpilipit ng mga gunita
ng nakalipas at kasalukuyan.
'Di ko man nababatà
ang bawat bulyaw
pinakakalma naman ako ng langitngit
pinatatahan ng takatak
Nabasag niya ang mga tasa!
Nabasag niya ang mga garapon!
At sa hagupit ng hiyaw
nabasag din ang aking puso.
Dapit-hapon
Pambihira ang pakiramdam
Napaparam ang mga nanatiling alaala
Babalik ang mga nakalimutan
buhol-buhol man at walang galaw.
Ang bawat sulsi ay makakalas
ang bawat hibla ay magninisnis
at ang kahoy na gabay ay sasangkalang
sa isang ekis na kawangki ng asinta
ng pana ni kamatayan
Hindi na ulit sumusulong,
hindi na bumubuwal.
Sa pagputla at paglabnaw ng ginto
Sa paglamig ng dating ligamgam
at sa pagyakap ng lamig ng hangin
sa paglatag ng dilim,
ang bulyaw ay hindi poot
kundi lungkot at pighati.
Sa paglubog ng araw, at pagsilip ng buwan.
Comments